Kakatapos lang ng Philippine Fashion Week nung isang linggo. Sa SMX at main atrium ng MOA dinaos ang lampas 100 na palabas.
Klase-klaseng moda at estilo ang itinanghal ng mga designer para sa Holiday 2011. Kung merong nagpakitang-gilas sa pagbalik ng mga classic style ng nakaraang mga dekada, meron ding nangahas magpakita ng kanilang vision of the future.
Ang dami kong nakitang damit at sapatos mula sa menswear show na pinag-iisipan ko nang bilhin.
Marami ring collaboration ang mga designer at retailer.
Dalawa ang “season” sa Philippine Fashion Week: Spring at Holiday. Dahil wala naman tayong Fall o Winter, Holiday ang tawag sa panahong di kasing init. Panahon na rin kung kailan ang daming kailangang puntahang handaan at party. Ito ang panahong hinihintay para makapag-layering.
May ilang mga palabas sa Fashion Week na kamangha-mangha: sa ganda ng styling, akala mo miyembro ang mga model ng tribo mula sa ibang daigdig.
Merong mukhang manlalakbay sa disyerto, merong mukhang robot, at huwag kalilimutan ang mga baliw na royal mula sa panahon ni Queen Victoria. Para sa ganitong mga palabas, ang sarap paglaruan sa isip kung paano maisusuot sa pang-araw-araw ang mga damit.
Di ko pa nasusubukang magpatahi, hanggang alterations pa lang. Pero may kinausap na akong ilang designer at sana masukatan na ako para maipakita ko sa inyo kung ano ba ang nagaganap sa isang atelier, at kung paano maibabagay sa sarili niyong wardrobe ang mga damit sa fashion show.
Masaya manood sa Fashion Week. Kahit minsan halos buong araw ka nakaupo (kung malasin, nakatayo), naghihintay para sa show, o nakikipagsiksikan para lang makapasok nang maaga, kapag nakita mo na ang mga damit, di mo na maiisip ang oras o pagod.
Dahil ilang taon na rin akong nanunood sa Philippine Fashion Week, marami na akong nakilalang designer, stylist, model, editor, at blogger. Sila ang ipapakilala ko sa inyo sa mga susunod na blog post tungkol sa fashion.
Intro pa lang ‘to. Abangan ang mga susunod na entry!










leave your comment