Buto-butong accessories ng OS

by Be-Blogger Pilipinas on: Mayo 26th, 2011

 

Ilang buwan lang mula sa launch ng OS accessories, walang isang araw sa Philippine Fashion Week na di mo matatagpuan ang kanilang mga likhang suot-suot ng mga fasyonistang nakaupo man sa front row o sa pinaka likod ng audience.

 

 

Kapansin-pansin ang mga kuwintas ng OS, na ang ibig sabihin ay “buto” sa salitang Latin. Para sa magkakaibigang Paul Jatayna, AJ Omandac, at Kat Medina (mga may-ari ng OS), may sariling ganda ang hugis at hubog ng natural na butong nakita kahit ng ating mga ninunong matagal nang nagsusuot ng mga ito bilang palamuti. Ang sumusunod ay isang maikling panayam na nagkukuwento kung paano nagsimula ang kanilang lumalagong negosyo.

 

“Vertebrae” at “Scapula”

 

Paano nagsimula ang OS? Matagal na ba kayong magkakakilala?

Nabuo ang ideya ng OS nung pumunta kami ng Baguio. Sa Session Road, marami kaming nakitang tribal jewelry na yari sa buto na binagay sa suot-suot na metal chains ng mga katutubo. Bigla naming naisip na akmang-akma ang pagsasama ng dalawa! Pagkatapos ng isang buwan, bumalik kami at binili ang mga buto at iyon na nga ang simula ng OS.

 

 

 

Pinag-aralan ba ninyo ang paggawa ng accessories? Ano ang inyong mga background?

Marketing ang tinapos ni AJ at Paul, samantalang Fine Arts naman ang kay Kat. Freelance illustrator ngayon si AJ, si Kat ay pintor, at communications trainer at fashion blogger si Paul. May sariling linya na ng accessories si Kat, ang tawag ay “Object”, na halaw sa vintage jewelry. Si Paul naman ay may background rin sa paggawa ng accessories.

 

“Fishbone” at “Cartilage”

 

Bakit, sa tingin niyo, nagagandahan ang mga tao sa buto?

Di lang sila edgy, macabre rin — isang estetika na sa simula pa lang ay pinagkakasunduan na naming tatlo. Para maging moderno ang palamuti ng mga katutubo, hinaluan namin ng kadena at turnilyo, at gumamit kami ng polyurethane para mas marami ang makagamit.

 

 

Saan kayo humuhugot ng inspiration?

Mula sa sari-saring source: tribal jewelry, contemporary fashion, art, illustration, sa mga personality, atbp!

 

“Spine” at “Bone Tie”

 

Paano niyo pinagkakasunduan ang mga disenyo?

Para sa Volume 1, ang unang labas na collection, isa-isa o bilang isang grupo namin binuo ang mga disenyo. Pinag-usapan namin alin sa kanila ang maibebenta, alin ang magaganda, alin ang madaling masuot, hanggang umabot sa kasalukuyang 14 na kuwintas.

 

 

Paano niyo pinaghahatian ang trabaho?

Lahat kami kasama sa pagbuo ng collection, pero sa kalaunan pinaghatian namin ang ibang trabaho ayon sa kakanyahan: si AJ ang naging production manager, si Kat ang in-charge sa product development, habang si Paul ang sa marketing at sales.

 

“Tusk” at “Rib Cage”

 

Anong pinakamagandang narinig niyo mula sa mga client?

Kapag nakita naming sinusuot nila kagad ang kuwintas pagkabili.

 

 

Ano ang pinakamahirap na problemang hinarap ninyo?

Sa ngayon, production.

 

“Catskull” at “Horn”

 

Anong pangarap niyo para sa OS sa limang taon? Sa 10 o higit pa?

Gusto naming marging lifestyle brand ang OS na may iba’t bang fashion accessories, damit, at gamit para sa bahay/muebles.

 

 

(Abangan ang mga susunod na collection sa website ng OS accessories.)

 

“Cluster of Bones” at “Birdskull”

 

(Photography by Rxandy Capinpin. Styling by Ryuiji Shiomitsu.)

 

 

 

“Wings” at “Crossbone”

 

 

 

 

 

El Bosquejo

 
 

leave your comment