StreetSpark: ligawan online

by Be-Blogger Pilipinas on: Mayo 31st, 2011

 

Sa lahat ng gumagamit ng Gmail at Facebook, alam nating nakabase sa personal data ang lumalabas na ad sa gilid ng page. Pero paano kung gamitin naman ang ating mga wall post, tweet, at like para makahanap ng ka-date, o malay natin, kabiyak?

 

 

Bago ko lang natisod ang app na StreetSpark na para sa iPhone at Android. May pagka-matchmaker ang dating. Naaliw ako sa konsepto kaya sinubukan kong magbukas ng account. Kailangan ipasok ang basic information, siyempre.

Ipapaliwanag ko mamaya para saan ang “instant spark” at “social sparks” (sorry, di kasama si Nicholas…).

 

 

Medyo nahirapan ako sa “The Little Things”. Kasi naman kailangan mo pang pumili. Parang puwede lang mangga o pakwan; di puwedeng pareho mong gusto. Paano kung ganado ka buong araw? Mahilig sa lahat ng hayop? May Mac at PC?

 

 

Totoo yan. Maniwala kayo…

 

 

Kapag napasok mo na lahat ang tungkol sa ‘yo, huhugot din ang StreetSpark mula sa mga account mo sa Facebook, Twitter, atbp. Kapag may tumugma kaagad sa mga katangian at hinahanap mo, meron kang “spark” sa iyong SparkBox.

 

 

Pero gagana kaya ang ganito kasimpleng pagtutugma? Kung susundan ang nakasulat, kailangan talagang may nasisindihan, nag-aapoy, napapaso. At kung ayaw mo naman sa suggestions ng app, madali lang ma-”extinguish” ang pag-alab ng matchmaking.

Nakakaaliw ang konsepto. Ang tanong, may magkatuluyan kaya? Mas marami bang magsasaboy ng tubig kaysa sa magkasabay na magliliyab? (Cue music.)

 
 

leave your comment