Bazaar ng mga blogger

by Be-Blogger Pilipinas on: Junio 1st, 2011

 

Pagkatapos na pagkatapos ng trabaho nung huling Biyernes, tumakbo ako kagad (taxi naman, kasi masyadong malayo) papuntang Malayan Plaza Hotel sa Ortigas para sa matagal ko nang inaabangang Bloggers United: An Interactive Shopping Affair. Ito ang kauna-unahang event sa Manila kung saan nagtipon-tipon ang mga fashion blogger upang magtinda ng kanilang mga likhang damit o accessories, ng sarili nilang gamit mula sa kani-kanilang aparador, pati na rin ang mga nilalako nila sa mga boutique. Siyempre, naging pagkakataon ito para sa mga blogger para magkakilanlan harap-harapan at di lang online.

 

 

Ito si JP Singson. Nagtitinda siya ng mga kuwintas na galing Bangkok.

 

 

Paborito ko sa kanyang lamesa yung T-rex at mga bungo. Nagtitinda rin siya ng mga damit na gawa ng ilang piling Thai designer. Unisex ang pangalan ng kanyang online boutique.

 

 

Ito naman sina Paul Jatayna, Kat Medina, at AJ Omandac, ang grupo sa likod ng OS accessories. Kita sa likod nila na halos naubos ang kanilang tinda sa bazaar.

 

 

Sa pinaka kanan ng larawan si Paula De Silva na nagtitinda ng likha niyang mga accessory. Mariapaulita ang pangalan ng kanyang blog, pero di pa raw niya nalalagyan ng laman.

 

 

Isa sa mga bagitong (bagitang?) blogger si Rosanna Aranaz. Siya at si Hanna Choa-Yu ang tambalang designer at fasyonista sa likod ng Little Miss Dress Up. Ilang buwan pa lang sila nagboblog pero malayo na ang kanilang narating.

 

 

Pero hamak na mas malayo ang malalakbay ni Kookie Buhain, ang blogger sa likod ng Death by Platforms. Sa taas ba naman ng kanyang mga takong, mas malawak ang kanyang natatanaw.

Sana makasali na ako sa susunod na bloggers’ bazaar!

 

El Bosquejo

 
 

leave your comment