Ang huling palabas ni Louie Mamengo

by Be-Blogger Pilipinas on: Junio 27th, 2011

 

Ang mga likha ni Louie Mamengo ang nagsara ng Philippine Fashion Week nitong Mayo ng taon. Pero di tulad ng ibang Holiday 2011collection, post-humous ang kanyang fashion show.

 

 

Sumakabilang-buhay si Mamengo, isa sa mga popular na Pinoy designer noong 1980s at unang bahagi ng 1990s, nitong taon lang, sa isang ospital sa California dahil sa sakit sa baga.

 

 

Iniwan niya ang kanyang mga design kay Joey Espino, ang executive producer ng Philippine Fashion Week. Binilin niya kay Joey na ang kanyang huling collection ang kanyang paraan para maisukli sa bansa ang kanyang pag-asenso bilang fashion designer.

 

 

Buti na lang at hindi sinunod ni Mamengo ang gusto ng kanyang mga magulang na maging doktor. Imbes na mag-aral ng medisina, pumunta siya sa Paris upang maging apprentice ng sikat at batikang mga designer na sina Azzedine Alaïa at Paco Rabanne.

 

 

Laging isinaalang-alang ni Mamengo ang babaeng susuot ng kanyang mga damit: mahalaga sa kanya ang pagkakayari ng damit di lamang sa labas; pati na rin sa loob. Para sa kanya, dapat komportable ang damit, kulang na lang tumalon at tumakbo ang mga susuot.

 

 

Sinikap niyang intindihin ang sumusuot, artista man siya o empleyado sa opisina. Inayon niya ang mga disenyo sa personalidad ng nagpapagawa.

 

 

Kaya naman lubos ang pagtanggap sa kanya ng mga Pilipina. Malawak at mainit ang pagtangkilik sa kanya.

 

 

Kakaiba ang huling palabas ni Louie Mamengo, di lamang dahil tunay na kamangha-mangha ang kanyang mga disenyo. Siya mismo, sa pamamagitan ng kanyang mga abo, ang umuwi upang tanggapin ang muling paghanga ng kanyang mga kababayan.

 

El Bosquejo

 
 

leave your comment