Barato sa Bangkal

by Be-Blogger Pilipinas on: Junio 28th, 2011

 

Dumalaw ako ulit noong isang linggo sa Bangkal. Tulad ng sa ibang pagbisita, nagbakasali lang akong baka makita ang hinahanap.

 

 

Kilala ang Bangkal, isang lugar sa Maynila, para sa magkakasunod na kalye (paborito ko ang Heneral Hizon Street) na may magkakatabing tindahan ng lumang muwebles, chandelier, kagamitan sa bahay, bag at damit, alahas, pinggan, at kung ano-ano pa.

 

 

Di bastang patapon ang mga paninda sa Bangkal. Madalas itong puntahan ng mga interior designer, decorator, at architect para palamutian ang mga bahay ng kanilang mga kliyente.

 

 

Minsan para ka lang bumibisita sa sala ng mag-asawang nag-ipon ng gamit mula sa ilang dekadang paglalakbay.

 

 

Mapapaisip ka kung saang mga tahanan nanggaling ang iba’t-ibang uri ng kagamitan.

 

 

Anong mga bakas ng alaala ang natitira sa kahoy, salamin, at kristal.

 

 

Kaninong mga mata ang dating tumitingin sa lumang orasan o tumititig sa makulay na larawan na ngayo’y binabalutan ng plastik.

 

 

Kahit na wala kang pakay, mapapatuloy ka sa mga tindahan at mapapatingin. Sa totoo, mahirap umuwi nang walang bitbit.

 

 

Para man sa kasalukuyan mong tahanan o opisina o sa isang lugar sa hinaharap na pinapangarap mo pa lang.

 

 

Dati na akong nakabili sa Bangkal ng bakal na kandelabrang gamit ko ngayon bilang sabitan ng bag.

 

 

Nakahanap na rin ako ng lalagyan ng kandila na galing pa sa isla ng Murano sa Italya.

 

 

Sa pagkakataong ito sinubukan kong maghanap ng sabitan naman ng kuwintas.

 

 

Sa kakatingin, halos malimutan ko ang aking pakay.

 

 

 

Sa wakas meron akong natagpuang parang swak na swak lang. Kaya nga lang, may kaunting kamahalan. Kasi raw, yari sa solidong tanso. Sana pagbalik ko, andyan pa rin siya, at syempre sana may bawas pa.

 

 

Pero malamang di ko na yun makikita ulit. Mabilis ang benta sa Bangkal. Maaari rin naman, sa susunod kong dalaw, nagbago na rin ang aking kailangan.

 

El Bosquejo

 
 

leave your comment