Ang Tao at ang Dagat

by Be-Blogger Pilipinas on: Julio 8th, 2011

 

Minsan, pag tumitig ka sa dalampasigan, parang tumitigil ang lahat. Tinatangay ng mga alon anuman ang iyong iniisip at ibinabalik itong kumikinang sa buhangin, bago muling bawiin. Wala kang matatapos na pangungusap. Wala kang magagawa kundi tumahimik hanggang magsanib ang iyong hininga sa agos ng alon, ang iyong pulso sa lukso ng tubig.

 

 

Tumitig ka sa kadulu-duluhan ng dagat at lulutang ang iyong puso tulad ng bangkang may sagwan man ay madadala at madadala sa lugar na ang karagatan lamang ang nakakaalam. Ano bang meron sa dagat at lagi natin itong binabalik-balikan?

 

 

Gaano kaiba ang daloy ng buhay ng mga nakatira sa tabi ng dagat? Ng mga pamilya ng mangingisda na umaasa sa kanyang mga biyaya?

 

 

 

Dahil hindi laging malinaw ang tubig, hindi laging maaasahan.

 

 

Madalas, maaliwalas ang dapithapon. Sagana ang huli: marami pang sobra mula sa paninda sa palengke na mailuluto sa hapunan.

 

 

Mabubusog ang lahat sa kuwentuhan, habang umiihip ang hangin mula sa dagat at sumusuklay sa mga palaspas.

 

 

Ngunit dumarating din ang sakuna, ang paghihirap.

 

 

Ang kasalatan.

 

 

Dahil nakatira tayo sa kapuluan, ipinanganak tayo sa tubig. Ipinaghele sa habagat at amihan.

 

 

Tila nalalampasan ang lahat, nahuhugasan. Sana nga lang di rin nakakalimutan…

 

 

Makikita ang iba pang mga larawan ng dagat at buhay sa dagat ni Wahoo Guerrero sa Manila Contemporary sa Whitespace, 2314 Pasong Tamo Extension, Makati.

 

El Bosquejo

 

 
 

leave your comment