Eiga Sai 2011

by Be-Blogger Pilipinas on: Julio 12th, 2011

 

Kakatapos lang ipalabas ang Eiga Sai o Japanese film festival sa Shangri-La Plaza ngayong Linggo. Taunang nagaganap ang Eiga Sai at lumilipat mula sa Shang (July 1-10) papuntang Davao (Gaisano Saouth Mall, July 22-24) at Cebu (Ayala Center, August 2-7)  bago bumalik sa Maynila sa UP Film Institute (August 17-20). Kahit tatlo lang ang napanood ko, nagustuhan ko sila lahat.

 

Imagen de previsualización de YouTube

 

Pinaka maganda na siguro sa kanila ang “Departures”, na nanalo ng 2009 Academy Award for Best Foreign Language Film. Tungkol siya sa isang tagatugtog ng cello na napilitang umuwi sa kanila matapos isara ang kanilang orkestra. Di niya akalain na magiging magaling siya sa kanyang papasukang trabaho.

 

 

Mahirap pigilang lumuha sa ilan sa mga eksena, lalo na’t tungkol sila sa huling pamamaalam sa ating mga mahal sa buhay. Ang maganda sa “Departures”, hinaluan ng pelikula ng comedy ang napaka seryosong paksa, kaya nakaka-engganyong panoorin; nagiging personal ang kuwento ng palabas.

 

 

 

Kung comedy lang ang pag-uusapan, wala na atang tatalo sa “The Chef of South Polar” na tungkol sa isang grupo ng kalalakihang nadestino sa isang taong proyekto sa Antarktika. Buti na lang at kwela silang lahat. Kung hindi, matagal na siguro silang nabaliw o nagpatayan.

 

Imagen de previsualización de YouTube

 

Nakasentro ang istorya sa kanilang tagaluto, na araw-araw naghahanda ng masasarap na putahe para sa grupo. Panoorin niyo ang trailer, kahit na walang translation, para masilip ang kanilang kalokohan.

 

 

Huli kong napanood ang “Yunagi City, Sakura Country”, na tulad ng “Departures” ay tungkol sa seryosong paksa. Nahahati ang pelikula sa dalawa: ang unang bahagi ay tunkgol sa buhay ng isang pamilyang survivor ng nuclear bomb sa Hiroshima, at nagpapatuloy ang pangalawa  sa kanilang mga anak at apo, at kung paano nila naungkat ang kuwento ng kanilang probinsya.

 

 

Marami pa akong gustong panoorin, kaya hahabulin ko ulit ang Eiga Sai pagbalik niya sa UP Film Institute sa Agosto. Kasama na dito ang “Feel the Wind”, na tungkol sa long distance runners.

 

 

Ang “Summer Days with Coo” na tungkol sa isang bata at sa isang mala-palakang nilalang na nagngangalang “Kappa”.

 

 

At ang “Villon’s Wife” na tungkol sa butihing maybahay ng isang palikerong manunulat.

Kitakits sa UP!

 

El Bosquejo

 
 

leave your comment