Tinitch accessories ni Tina San

by Be-Blogger Pilipinas on: Julio 29th, 2011

 

Di ko akalaing may silbi pala ang Friend Suggest ng Facebook. Kung di dahil dun, di ko matitisod ang Tinitch accessories na pagmamay-ari ni Tina San, isang baguhang designer ng makukulay at nakaaaliw na mga kuwintas at bracelet. Agad akong nabighani sa paghahalo niya ng mga materyales at kahit sa pagbigay niya ng mga pangalan sa kanyang mga accessories. Kaya naman, minabuti kong kontakin siya para sa isang maikling panayam.

 

 

Kailan ka nagsimulang mag-design ng accessories? Full-time ka ba dito o part-time lang?

Noong Abril 2011 lang akong nagsimulang mag-design, pagkatapos lumipat ng Maynila galing Davao City. Full-time ko itong ginagawa, sa bahay akong nagtatrabaho. Sapat naman ang aking kinikita para suportahan ang aking sarili. Masaya ako dahil ako ang sarili kong boss.

 

 

Paano ka naman nagsimulang mag-design? May nangumbinse ba sa iyo?

Sa katunayan, ang kaibigan kong si Eica Ong, isang accessory addict, ang nakapagkumbinse sa aking mag-design. Siya ang pinaka una kong customer. Nagustuhan niya ang isang design sa mall pero namahalan siya kaya sinabi kong gagawan ko na lang siya kung siya ang bibili ng materyales. Nagustuhan niya ang kinalabasan at lalo akong na-inspire mag-design at ilako ang mga necklace sa mga kaibigan, hanggang sa umabot online.


 

Saan ka naman nakakakuha ng inspirasyon?

Madalas akong nagba-browse sa internet para sa inspirasyon, at para rin nasusundan ko ang mga trend. Paborito ko ang Etsy at Style.com.

 

 

Mayroon ka bang tinitingalang designer pagdating sa jewelry?

Fan ako nina Eric Manansala at Ken Samudio. Sa international naman, gusto ko ang mga gawa ng Proenza Schouler. Napaka malikhain nila, bumubuo sila ng kakaiba at kaakit-akit na accessories.

 

 

Imported ba o local ang iyong materyales? May mga katuwang ka ba sa paggawa?

Imported at local ang sourcing. Madalas akong mag-shopping sa Quiapo, Divisoria, sa mga craft shop, at sa Carolina’s. Mag-isa lang ako sa negosyo.

 

 

 

 

Karamihan sa mga accessories mo ay one-of-a-kind. May plano ka bang mag-expand para mas marami kang nabubuo, o sadya bang kaunti lang iyong output per design?

Plano ko sa simula na one-of-a-kind lahat pero nagmakaawa ang mga customer na ulitin ko ang mga sold-out design. Di ko naman sila matanggihan. Minsan, naiisip kong mag-hire ng katulong para makapag-expand pero gusto ko pa ring ako mismo ang gumagawa ng accessories para mas maging espesyal, at para na rin makatipid.


 

Gumagamit ka ng semi-precious stones, kahoy, plastic, nickel, tassels, at kahit pira-pirasong tela. Paano mo napag-iisipang ipagsama ang mga ito?

Sa totoo lang, wala akong plano-plano. Hindi ko alam ang kalalabasan ng necklace bago ko ito matapos. Sisimulan ko lang sila hanggang sa wakas mabuo ang mga design. Isa-isa kong idinaragdag ang mga materyales hanggang sa masaya na ako sa design. Kayah mahirap din para sa aking umulit ng necklace kasi wala akong ginagamit na pattern.

 

 

May tindahan ka na ba? Nagko-consign sa iba?

Wala pa akong pisikal na tindahan, pero syempre gusto ko balang araw. Iilan pa lang ang aking accessories kaya di pa ako pwedeng mag-consign. Pero nasa plano ko na, pati ang pag-collaborate sa ilang online store na lumapit na sa akin.

 

 


 

Saan mo naman napupulot ang mga pangalan ng mga accessories? Ano ang kuneksyon nila sa mga design?

Ito ang sikreto ko: pumipili lang ako mula sa babynames.com ng pangalan para sa bawat necklace. Sinabihan ako ng isang kaibigan na mahalaga ang mga pangalan para maalala ng mga customer. Ngayon, ginagamit ko na mismo ang mga pangalan ng mga client. Ikinatutuwa naman nila na may kapangalan silang kuwintas.

 

 

 

Sino madalas ang bumibili sa ‘yo?

Madalas budget fashionista, kadalasan mag-aaral. Inaayon ko ang presyo sa ginagamit kong materyales at sa ibinubuhos kong trabaho. Dahil affordable ang aking accessories, bumibili sila ulit. Mayroon rin akong buyers na local at international reseller.


 

 

Saan mo naman nakuha ang iyong brand name, Tinitch?

Nickname sa akin ng mga officemate sa Cebu Pacific, tatlong taon na ang nakaraan. (Sa totoo lang, ang “Tinitch” ay pinagsamang “Tina” at “Stitch”, dahil ayon sa kanila kapareho ko raw ng ngiti ang Disney character.) Catchy siya at kakaiba kaya ginamit ko na itong brand name, para rin maging personal sa akin at sa aking malalapit na kaibigan. =)

 

El Bosquejo

 

 
 

leave your comment