Si Dan Matutina at ang mga mamaw ng Pilipinas

by Be-Blogger Pilipinas on: Agosto 2nd, 2011

 

Nitong Sabado lamang idinaos ang Graphika Manila 2011, isang serye ng mga lektyur at diskusyon ng mga propesyunal sa mundo ng graphic design. Hindi ako graphic designer; nung kolehiyo pa siguro ang huling beses na meron akong masasabing idinesayn. Pero ang dami kong natutuhan sa mga speaker na nagkuwento di lamang tungkol sa kanilang mga proyekto, kundi pati na rin ukol sa kanilang pag-unlad bilang designer at sa pilosopiya sa halaga at gamit ng GD.

 

 

Anim na indibidwal/grupo ang nagsalita: si Kevin Smith ng Weta Digital (isang visual effects company na nanalo ng Oscars para sa FX ng “Avatar”), si Mike Friolo (isang senior designer sa isang US shoe and apparel company na nakaisip at namahala sa itsura at porma ng damit at sapatos ni Manny Pacquiao), si PJ Richardson ng Laundry (isang LA design and animation studio), si Dan Matutina (isang Manila-based designer at illustrator na propesor rin sa UP at siya ring paksa nitong blog post), ang 27+20 (ang QC-based independent multidisciplinary design agency ng mag-asawang Nico at Katwo Puertollano), at si Seph Mayol (isang designer/developer na nakabase sa Cebu).

 

 

Namangha at humanga ako sa kanilang lahat, pero pinaka natuwa ako sa lektyur ni Dan Matutina. Pinakita niya ang sinauna niyang sketches nung nasa UP pa siya, ilang ad agency project, at sa kalakahan ang prosesong dinaraanan bago niya matapos ang isang illustration para sa editorial, ad, exhibit, sari-saring collaboration, at ang pinaka kinaaliwan ko: iPhone/iPad game.

 

Isa sa mga paborito ko sa kanyang mga proyekto ang serye ng anim na illustration para Rogue magazine tungkol sa mga engkantong Filipino. Kilala niyo na siguro itong una: ang tikbalang, na nanliligaw ng mga manlalakbay at nagpapakasal kapag magkasabay na maaraw at umuulan.

 

 

Susunod na ang manananggal, na nahahati ang katawan matapos pahiran ng pambihirang langis habang bilog ang buwan. Kitang-kita sa interpretasyon ni Dan ang kanyang pagka-kengkoy (“mamaw” ang tawag niya sa mga maligno).

 

 

 

Kakatwa ang paglalahad sa mga engkanto na kadalasang kinakatakutan natin sa malalagim na kuwento ng matatanda. Mas cute pa sa cute ang hitsura ng kanyang dwende, na mukhang nakatirang mag-isa sa maliit na planeta.

 

 

Hindi nakalambitin ang kapre sa malaking puno, kundi lampas-ulap na naninigarilyo. Para lang siyang Chocolate Hills ng Bohol, pero sunog (dark chocolate?).

 

 

Ikaw ba, maiisip mo ang tiyanak na lumabas sa “Shake, Rattle, and Roll” na ganito? Totoo, matatalas ang ngipin niyang meron pang dugo, pero mukhang tupa?

 

 

May kaliskis pa rin ang sirena, na isa pa ring magandang dilag na mahaba ang buhok (mukhang nagpa-rebond), pero meron naman siyang antena ng tutubi. Sariwa ang imahen ng mga aswang ni Dan Matutina, hindi seryoso, may sense of humor, at higit sa lahat, kanyang-kanya ang estilo. Gaano man kadulas ang larawan ng sarili nating mga maligno sa ating mga kuwento.

 

El Bosquejo

 

Maraming salamat kay Dan, na nagpaunlak na gamitin ang kanyang mga illustration para sa entry na ‘to.


 
 

leave your comment