Bala at rosas

by Be-Blogger Pilipinas on: Agosto 19th, 2011

 

Na-blog ko na rito dati ang tungkol sa pista ng Itim na Nazareno ng Quiapo. Napag-usapan ko na rin ang mga panindang gulay at isda sa mga kalye ng Quiapo. Ang di ko pa nasasabi, marami ka ring mabibiling rosaryo, medalyon, at iba pang reigious articles sa paligid ng simbahan, sadyang banal man o may halong pagano.

 

 

Ang suot-suot ko rito ay kuwintas na mula sa Sacre collection ng Bosquejo. Galing ang lahat ng mga medalyon, abaloryo (beads), at pati lumang bala sa Quiapo. Noong una ko itong ginawa, sinabihan ako kagad ng nanay ko na baka magalit ang lola ko pag nakita niyang pinaglalaruan ko ang mga santo. (Mahilig siya sa pilgrimage at sa kanya galing ang mga rosaryo namin noong bata kami na may agua bendita galing pa sa Lourdes.)

 

 

Sa akin naman, depende na lang iyon sa tumitingin. Halimbawa na ang kuwintas na ito, na ang pangalan ay “Bullets and Roses”, kung saan umaanino lamang ang mga bala sa sinag ng araw sa heylo ni Marya. Baka kasi isumpa pa ako ng mga di nakauunawa ng makasining na paglalahad, tulad ng nangyari sa likha ni Mideo Cruz sa Cultural Center of the Philippines.

 

Sana lang, makita ng mga tao na iba-iba tayo kaya bukas dapat ang sining sa iba’t ibang interpretasyon: rosas man o bala ang tumama sa kanila.

 

El Bosquejo

 
 

leave your comment