Ang sining ni Rxandy Capinpin

by Be-Blogger Pilipinas on: Agosto 24th, 2011

 

Masuwerte ako at nakatrabaho ko na si Rxandy Capinpin, isa sa mga pinaka talentado (hehe) sa bagong henerasyon ng photographer sa Maynila.

 

 

Maganda para sa akin ang kanyang paghahalo ng “concept” at “commercial” sa kanyang mga shoot. Kaya naman, siya ang nagiging takbuhan ng mga designer na gustong di lang maganda ang lalabas sa kanilang lookbook, kung hinde sellable rin.

 

 

Pakinggan natin ang tinig ni Rxandy dito sa maikling panayam (na hindi ko na kinailangang isalin dahil siya na mismo ang sumagot sa Filipino).

 

 

Una sa lahat, paano ba talaga binibigkas ang “Rxandy”? Saan nanggaling ang X at may espesyal ba ito na kahulugan para sa iyo?

Hindi binibigkas ang X sa aking pangalan. Ika nga ng iba, “artist’s right” kung ano ang puwede mong gawin sa iyong pangalan. Naandyan si Zxander Tan, si Rcxy Bautista, si Xander Angeles, at iba pa.

 

 

Anong oras ka gumigising? Gaano katagal karaniwan ang iyong mga shoot (per story)?

Pag may klase ako sa FIP, gumigising ako ng alas otso nang umaga, para sa aking alas diyes na klase. Pero kapag may trabaho dito sa aking studio, nagsisimula kami ng ala una nang hapon, kaya nagigising ako ng tanghali. Karaniwa’y umaabot ako ng isa hanggang dalawang oras sa pag-shushoot.

 

 

 

Dati ka na bang may sariling studio, mula pa nung nagsimula ka bilang photographer? Ano ang mga naging advantage para sa iyo, na nasa tirahan mo rin ang iyong studio?

Ang pinaka maganda ng may sarili kang studio sa iyong bahay ay gamay mo na ang mga ilaw at gamit mo sa pag-shushoot. Isa pa ay labas-pasok ka na lang sa iyong kwarto. Di ka na gigising nang maaga kung magtatrabaho ka. At pagkatapos naman ay deretso ka na sa pagtulog sa kwarto mo.

 

 

Ilan ang iyong/inyong aso? Anong mga breed, pangalan? Nakasama na ba sila sa isa sa mga shoot?

Marami kaming aso sa compound. Karamihan ay mga askal. Pero meron kaming 2 Labrador, 1 Siberian Husky, 1 Golden Retriever, 1 Shi Tzu. At ang pinaka importante sa lahat ay si Milo, ang aking Jack Russel na aso. Palagi syang kasama sa shoot. Sya ang mascot sa aking studio.

 

 

Paano ba maging “indie” photographer? Anong pinagkaiba nito so celebrity photographer? Anong “klase” kang photographer ngayon?

Masasabi kong “conceptual” ako na litratista. Ngunit bilang kakaunti lang tayong nakakaunawa ng “conceptual art”, ay kailangan may pagka “commercial” ang linalabas kong mga editorial sa mga pahayagan.

 

 

Tinatanggap mo ba ang lahat ng project na inilalapit sa iyo? Kung meron, alin ang iyong hinihindian? Bakit?

Tinatanggap ko lahat ng pagkakataong makapag-shoot. Humhindi lang ako, kung may klase ako sa FIP, o kung dumoble ang iskedyul ko.

 

 

May itinatago ka rin bang (tulad ng ibang photog) visual diary? Personal photos na para sa iyo lang?

May itinatago ako ngayong mga litrato na pang eksibisyon na ginagawa ko pa nung nakaraang taon. Bilang konrtobersyal na namang itong mga litratong ito…Di ko alam kung saan o kailan ko ito ilalabas.

 

 

Ano ang 5 pinaka paborito mong pelikula (local at foreign)?

Lahat ng mga pelikulang may “Sequel” ang mga gusto kong panuorin:


 

1. Lahat ng gawa ng Marvel, lalo na ang X-men dahil ako si Storm.

2. Mga Harry Potter na pelikula, at pinaka paborito ang Prisoner of Azkaban dahil mahal ko si Alfonso Cuaron at ang kanyang “Y Tu Mama Tambien”.

 

 

3. “Lord of the Rings”, dahil dito ginaya ng Harry Potter.

4. Ang pelikula na “Sex and the City” dahil may Steve Brady si Miranda Hobbes…

5. At ang pinaka “pet peeve” na ang “Spiceworld” the Movie dahil ako si Scary Spice.

 

 

Nagshoot ka na ba ng “motion editorial”? Anong masasabi mo sa medium?

Minsan minsan lang. Nauso lang naman ang “motion editorial” dahil nagkaroon na ng video ang mga DSLR na camera. Kapag gumagawa ako ng video ay kinokopya ko rin lang naman ang mga stills, para gumawa ng “multiple photos”.

 

 

Kamusta para sa iyo ang local magazine industry (strengths and weaknesses, opportunities)?

 

 

Katamtaman lang naman. May pagka “indie” pa rin kasi ang estilo ng ating photography sa bansa. Hindi pa natin nakakamit ang international level, tulad ng Vogue o mga international na pahayagan.

 

 

San ka mas nag-eenjoy, sa pagtuturo o sa pagpractice ng photography? Anong klase kang guro (ano ang pinaka mahalagang gusto mong matutuhan ng mag-aaral sa iyo)?

 

 

Pareho. Mas matimbang pa rin ang pag-practice sa photography, pero gusto ko na sila pareho. Hindi ako guro magturo kung hindi kaibigan ang pagturan ko sa tinuturuan ko. Gusto kong matutuhan ng aking mga mag-aaral ang maayos na pakikipag-usap sa katrabaho nila. Ang maayos na pakikipagtalastasan ng ideya ay importante sa ganitong trabaho.

 

 

Anong plano mo sa iyong career? Saan mo nakikita ang sarili mo sa 5 at sa 10 taon?

 

 

Gusto ko pang mapaghusayan ang talento ko at magkaroon pa ng malilm na kaalaman sa photography. Bilang guro, ang gustong kong makamit ay magkaroon ako ng sariling eskwelahan sa photography.

 

 

 

Anong advice mo sa mga gustong mag-aral ng photography? Sa mga kaka- o malapit nang mag-graduate sa kurso ng photography?

 

 

Importanteng makipag talastasan ng ideya sa kanilang mga katrabaho. Ang photography ay isang collaborasyon ng mga ideya. Hindi lang ikaw ang gumagalaw, kundi hair stylist, stylist, make-up artist, designer, at ang mismong modelo. Kailangan malaman nila ang iyong pangitain at konsepto sa inyong sining.

 

 

Delikado ba maging photographer? Napansin ko kasing may bago kang pilay..

.

Umakyat kasi ako sa isang mataas na silya para makakuha ng “bird’s eye view”. Bilang napaka-gwapo ng aking kinukuhanan na si Ram Sagad, na isang Ford model sa New York, ayun nahulog ako sa silya, pag baba ko.

 

 

Anong hinahanap mo sa isang shoot? (Paano mo masasabing nakuha mo na ang gusto mo?)

Kung tama na ang komposisyon o tama ng ilaw sa modelo. Pero ang pinaka importante kung tama na ang pose nito.

 

 

Paano ka lumiligaya?

 

 

Kapag lumigaya lahat ng katrabaho ko sa shoot.

 

El Bosquejo

 
 

leave your comment