Ang sining ng pang-araw-araw ni Michael Cacnio

by Be-Blogger Pilipinas on: Agosto 29th, 2011

 

Buti na lang at nakaabot ako sa huling araw ng ikatlong ManilART sa NBC Tent sa Fort Bonifacio. Ang ManilART ang taunang art fair sa Metro Manila. Sa dami ng magagandang larawan at eskulturang aking nakita, napagdesisyunan kong gawing installment ang pag-post sa kanila para higit nating mapag-usapan ang mga likha.

 

 

Uunahin ko ang mga eskulturang yari sa tanso at salamin ni Michael Cacnio. Nakakaaliw tingnan ang pino ng detalye nitong unang piyesa: ang isa-isang niyaring dahon, ang kulubot ng puno at ugat.

 

 

Sa website ni Michael Cacnio, nahihiwalay sa mahigit siyam na tema ang kanyang mga eskultura: balloons, interaction, mother and child, father and son, children at play, vendor series, horses, eclectic, nature’s bounty, atbp.

 

 

Buhay na buhay ang pagkakagawa ng eksena: ang batang lumalambitin mula sa kamay ng kanyang ama. Halos asahan mong magpapatuloy sa pag-ikot ang kanyang katawan.

 

 

Sa kanyang balloons series, ipinaghahalo niya ang salamin sa tanso. (Pasok din ata ito sa vendors series.)

 

 

Tingnan mo ang balloon: totoong totoo, pati ang nginig ng liwanang nakuha sa salamin.

 

 

Nakikisalo tayo sa aliw ng batang pilit inaabot ang kanyang bagong laruan.

 

 

 

 

Mayroon ring bersyon ang mga balloon na may kulay. At sa eksenang ito, may dalawang bata sa playground.

 

 

Walang takot, hindi hinahawakan ng paslit ang slide, habang tangan-tangan ang kanyang mga lobo.

 

 

Na iisipin mo’y baka nga talagang lumipad kung di dahil sa pagkakatali.

 

 

Eto naman ang susunod na batang paakyat.

 

 

Ang tindero/magulang na may hinahabol.

Iilan lang sa mga gawa ni Michael Cacnio ang nasa exhibit. Sana magisnan ko rin ang iba, at di lang sa pag-surf sa internet.

 

El Bosquejo

 

 
 

leave your comment