Muebles na karton mula sa Dekahon

by Be-Blogger Pilipinas on: Septiembre 26th, 2011

 

Di ko pa rin natityempuhang bukas ang Dekahon, isang tindahan sa The Collective sa Malugay Street, Makati na nagbebenta ng muebles at kagamitang yari sa karton. Tuwing pupunta ako nang hapon, kundi wala ang may-ari, naaagahan pa siyang magbukas. Buti na lang at nitong huling Sabado maliwanag naman ang hapon at makakasilip sa salamin ng tindahan para makita kung anong nasa loob. (At buti na lang, maraming larawan sa website ng Dekahon.)

 

 

Pansinin ang telang ginamit para sa pintuan at ang materyal para sa lampara.

 

 

Ang una kong napansin sa loob ang mga nakabitin na lampara sa kisame, lahat pinalilibutan ng karton.

 

 

Parang kalabasa o batingaw itong isa.

 

 

Ito ang tinatawag na “Secretary”, isang desk na maraming drawer para sa kung sinumang maraming gamit at abubot.

 

 

Mula sa labas ng tindahan makikita ang “Secretary” na may pinaghalong bahagi ng eskritoryo. Makikita ang ilang kariton, upuan, shelf, at pati na rin salamin na may mala-sinag na kuwadro.

 

 

Ang queen-sized na “Platform Box Bed” ay nabubuo ng 12 na kahon na may headboard na bookshelf. Maaring tanggalin ang pagkaka-lock ng alinman sa mga kahon para gawing storage box.

 

 

Ang karton na ulunan ng pinagtabing “Heavy Duty Easy Chair” (sa ibaba). Malamang nagtataka kayo kung paano makakayanan ng simpleng karton ang bigat ng ilang tao. Magugulat kayo sa tibay ng pinakapal at pinagsamang karton.

 

 

Mapapansin na ang isa sa mga upuan ay may rocker.

 

 

Ang de-kutsong “Heavy Duty Easy Chair” na madali lang i-disassemble. Itabi ang tatlo at mayroon ka nang modular sofa.

 

 

Malamang nakakita na kayo ng ganitong salamin, pero yari sa metal ang kuwadro.

 

 

Ang “Card Table” na puwede gamitin para sa baraha, mah jong, o sa anumang board game. May tatlong configuration na puwede sa lamesa: bilang floor/low table, coffee table, at dining table. Madali ring matanggal ang mga paa.

 

 

Ang pinaka huling lampara na mala-pagoda ang hugis. Kahanga-hanga ang Dekahon sa paggamit ng recyclable na kagamitan na malaking tulong sa kalikasan.

Sana lang nakatira sa mataas na lugar o gusali ang sinumang may muebles mula sa Dekahon, lalo na’t anibersaryo ngayon ng bagyong Ondoy at sariwa pa sa ating alaala ang sakunang dala ng bagyo. Sa kabilang banda naman, mas madali rin silang palitan at menos gastos pagdating sa repair at maintenance.

 

El Bosquejo

 
 

leave your comment