Sneak peek sa Fashion Week: Mike Lavarez Spring/Summer 2012

by Be-Blogger Pilipinas on: Octubre 21st, 2011

 

Dalawang tulog na lang at Philippine Fashion Week na ulit! Kaya naman abalang-abala ang mga designer, photographer, model, stylist, at hair and make-up artist nitong mga huling buwan at linggo sa pagbuo ng mga lookbook, show invitation, at campaign photos para sa mga bagong Spring/Summer 2012 collection. Nakadalo ako sa shoot para sa mga damit ni Mike Lavarez nitong linggo lang. (Photographer: Charles Buenconsejo, videographer: Judd Figuerres, stylist: Mike Lavarez, hair: Mark Familara, make-up: Chiara Daez, accessories: Gold Dot and Bosquejo)

 

 

Hindi ko raw puwedeng ipakita kung sinong batikang aktres ang kanyang modelo para sa campaign, kaya pagtuunan na lang natin ng pansin ang kanyang mga damit. Puro neutrals ang collection ni Mike. Itong kulay abo na may puting batik-batik ay bahagi ng kanyang LVT diffusion line. Sumasalamin sa kanyang estetika ang malalambot na tela, ang disenyo ng puno, pati na rin ang tabas ng mga damit.

 

 

Magagaan at maluluwang ang kanyang mga kamiseta, blusa, at kapa. Pero napapansin ba ninyo ang dibuho sa leggings? Kung tingnan niyo nang malapit, parang may natutunaw na kandila, o kaya’y snowflake. Malapit sa estetika ng mga katutubo ng Pilipinas ang disenyo. Nasabi ng isang kaibigan na naaalala niya ang tela ng mga Mangyan, para sa isa naman ay galing sa Cordillera. Para sa aking, ang dibuho sa leggings (pati na rin sa ilan pang mga blusa) ay buhat sa iba’t ibang kultura, ang bawat isa malapit sa kalikasan.

 

 

Kaya ako sobrang na-eexcite para sa show ni Mike Lavarez ay dahil accessories ko (Bosquejo) ang napili niyang ibagay sa kanyang mga damit. Sana makadalo kayo sa kanyang show sa Function Room 4 ng SMX Convention Center sa ganap na 2:30 nang hapon sa ika-30 ng Oktubre, o sa susunod na Linggo.

Nahulaan niyo na ba ang pangalan ng artista?

 

El Bosquejo

 
 

leave your comment