Ang kakaibang still life ni Rachel Rillo

by Be-Blogger Pilipinas on: Marzo 15th, 2012

 

Pansinin ang pagkakaputol ng salitang “actualities”.

 

 

Pininturahan ni Rillo ng akriliko ang sari-saring mga gamit, pinagsama-sama, at kinunan ng letrato para sa kanyang seryeng “Frozen Actualities”. “She Sells” ang pamagat nitong unang larawan. Mukha lang ba silang laruan? Basura sa baybayin? Naisip mo ba bigla ang mga alon dahil sa kabibe sa tuktok ng piramide?

 

 

May sinasabi ang pagkakapangalan nitong ikalawang letrato, “Succulents”. Dahil sa pagkakapinta, di na mukhang makatas ang mga bulaklak, ang dahon, at ang ulo ng alkatsopas (artichoke). Pero dahil sa pagkakapintura, tila may ibang ipinahihiwatig ang pinagsamang mga bagay. May iminumungkahi ang hugis ng mga talulot, ang rabaw (surface) ng dahon, ang mga anino. Bakit nahihiwalay ang alkatsopas? Tila iba ang pinagmumulan ng sustansyang makukuha sa larawan.

 

 

Lata at karaniwang plastik na lalagyan ng pagkain ang laman ng “Lid Never Fits”. Walang silang mga takip. Bigla natin naaalala ang mga panahong naghahanap tayo ng lalagyan pero walang kapares na takip. Ngunit pag tinitingnan natin sila ulit sa letrato, pininturahang puti, parang di na plastik o lalagyan ang ating maiisip. Biglang nagkakatawan ang mga bagay. Biglang ibinabalik sa atin ang pamagat: ano ba ang kaya mong ipagkasya?

 

 

Laman naman ng “A Year’s Luck” ang iba’t ibang pigurang may kuneksyon sa horoscope ng mga Tsino. Pero dahil kapwa wala na silang mga kulay, iba na ang kanilang ipinahihiwatig. Diba’t mas lalo na silang nagmumukhang babasagin? Ganito rin kaya kaselan ang kapalaran?

 

 

At sa wakas ang “3D”, larawan ng piyesa ng bentilador na tinanggal sa appliance at pininturahan din. Walang hangin. Mas lalong maiisip ang salitang “frozen” dahil sanay tayong makita itong gumagalaw. Saan siya nakatunganga? Sa isip natin, patuloy siyang umiikot. Kataka-taka ang palaisipan: di kaya guni-guni lang rin natin ang lahat ng nakikita nating pagkilos? Na sa katunayan, tulad ng ipinapakita sa larawan, wala talagang gumagalaw?

(Itinanghal ang “Frozen Actualities” sa Silverlens Gallery)

 

El Bosquejo

 
 

leave your comment