Bago sa Instagram

by Be-Blogger Pilipinas on: Abril 12th, 2012

(Larawan ng mga gusali mula sa aking opisina sa Makati, bago mag-alas kuwatro.)

 

Sariwang-sariwa pa ang balita ng pabgili ng Facebook sa Instagram. Ngayong linggo lang, nagbayad ang social networking site ng $1bn para sa pagmamay-ari ng kumpanya sa likod ng popular na app na bago lang din inilunsad para sa Android users. Mabilis ang naging pagsikat ng Instagram. Nagsimula lang ito noong Oktubre 2010 at ngayon, wala pang dalawang taon ang nakalilipas, higit 30m na ang mga gumagamit.

 

(Larawan ng paradahan at mga gusali sa Bonifacio Global City, mag-aalas singko nang hapon.)

 

Hilig talaga ng mga founder ng Instagram ang pagkuha ng mga larawan, at ito ang pangunahing materyal ng Instagram (di tulad ng Twitter na 140-character text ang pangunahin at ikalawa lamang ang naka-attach na mga imahen). Tulad ng Twitter, naki-join kagad ang mga celebrity at pati na ang mga kumpanya (fashion, arts, news, atbp). Naging paraan ito para makibahagi ang karaniwang mamamayan di lang sa malalaking kaganapan sa daigdig, kundi pati na rin sa buhay-buhay ng kanilang mga kaibigan at kapamilya, at ng sikat nilang mga idol. Tulad din ng Twitter, naging malaking tulong ang paggamit ng hashtag (#) para madaling madiskubre ng iba pang users ang mga larawan sa ilalim ng kinahihiligang paksa.

 

(Mula sa canteen ng aming opisina.)

 

Para sa akin, naging paraan ang Instagram para mahuli sa larawan ang mga lugar at bagay-bagay na pumupukaw sa aking paningin. (Galing ang karamihan sa mga larawan na ito sa aking @lbosquejo account.)

 

(Construction ng isang condo sa Pasong Tamo.)

 

Halos di ko na iniisip. Kapag may nagustuhan ako, kinukunan ko na kaagad gamit ang aking iPhone. Pagkatapos ko na lang mauusisa ang dahilan kung bakit ko nagustuhan ang aking natalisod/nasaksihan.

 

(Mga akasya at iba pang puno sa Paseo de Roxas.)

 

Personal sa akin ang Instagram. May ibig sabihin ang ilan sa aking kinukunan.

 

(Mga bintana ng isa sa mga gusali ng Cityland.)

 

Naniniwala akong laging may mapupulot na kahulugan o inspirasyon sa ating paligid; nasa sa atin lang ang pagiging bukas sa pagtanggap.

 

 

Syempre, ginagamit ko rin ang Instagram para maibahagi sa mga kaibigan ang mga bagay-bagay na pinagkakaabalahan. Tulad ng mga paborito kong outfit (kaugnay ng aking menswear blog), mga bag na nabili sa ukay, at ang patch na pantakip sa butas sa pantalon (di ko alam pano ito nangyari).

 

 

Natutuwa rin akong kunan ang mga nakikita kong nakaka-aliw at kakaiba.

 

 

Ang kulay ng buhay kumbaga.

 

 

Muli at panibagong pagtingin sa karaniwan.

 

 

Bago lang, naisip kong mag-imbento ng hashtag na #InsTula, o “instant poetry” (ang mga larawan na ito ay galing naman sa aking @miguelpaolocelestial Instagram account). Ang maikling tulang kasama ng larawan sa kaliwa:

“Tinutuka-tuka ng maryakapra ang natira sa natastas at nagnisnis na sako. May dalang itlog ang tag-init.” (“The pied fantail pecks at the loose thread of an old sack. The summer brings us eggs.”)

At ang sa kanan: “Kinakalabit ng hangin ang mala-kuwerdas na anino. Naririnig mo ba ang tugtugin?” (“The wind plucks the shadows. Do you hear the music?”)

 

 

Halatang mahilig akong kumuha ng mga larawan ng gusali, lalo na kapag dapithapon. Siguro dahil halos buong araw akong nakakulong ako sa opisina at gusto kong lumabas.

 

 

Ang tanong ngayon, paano kaya maaapektuhan ng pagbili ng Facebook ang Instagram? Sa kasalukuyan, marami na namang nag-popost ng kanilang photos sa kanilang Facebook wall. Paano mas lalong magbabago ang ating pamumuhay ngayong ang malaking bahagi nito ay naisasalarawan at naitatala?

 

El Bosquejo

 

 

 
 

leave your comment