Maghapon sa Mind Museum

by Be-Blogger Pilipinas on: Mayo 15th, 2012

 

Ilang beses ko nang nadaraanan ang Mind Museum sa Bonifacio Global City sa Taguig. Nitong huling Sabado, minabuti kong bumili ng all-day pass (mabibili online) para siyasatin ang mga eksibit.

 

 

Binati ako ng kalawanging eskultura ni Lor Calma bago pumasok ng museo. Ano sa tingin niyo ang ipinahihiwatig nito?

 

 

Pagpasok naman sa loob, binati ako ng robot na si Aedi (ibinaligtad na “idea”). Merong motion detector si Aedi. Kapag dumaan ka sa harap niya, bibigyan ka niya ng maikling intoduksyon para sa Mind Museum. (Susubukan ko sanang makipagkamay, pero nahiya ako.)

Nahihiwalay sa limang kuwento ang mga eksbiti: Ang Kuwento ng Atomo, Ang Kuwento ng Buhay, Ang Kuwento ng Uniberso, Ang Kuwento ng Mundo, at Ang Kuwento ng Teknolohiya. Bahagi ng bungad ang Sampung Pinaka Magandang Eksperimento.

 

 

Inuna ko ang Kuwento ng Buhay. Itong apat na kuwadro ay bahagi ng eksibit tungkol sa mga kalamidad sa Pilipinas. (May hanging bumubuga mula sa itim na mga bintana sa ibaba.)

 

 

Mababasa ang kuwento ng buntanding, at kung gaano kahalaga pangalagaan ang ating likas na yaman, lalo na ang mga hayop at halaman na nasa bingit ng pagkaubos at permanenteng pagkawala.

 

 

Ito ang bunganga ng isang higanteng kabibe. Ikinukuwento kung paano nagiging tahanan ito ng mga halamang dagat, ng korales, ng mga uod, espongha, at isda. Ipinapaalala ang kahalagahan ng pag-alaga sa kabibe na may malaking papel sa buhay sa ilalim ng dagat.

 

 

Di ba ang cute nitong dambuhalang lampara ng mga isda?

 

 

Nakakita ka na ba ng higanteng bulaklak? Nadiskubre ang species na Rafflesia leonardi sa lambak ng Cagayan ni propesor Leonard Co noong 2008. Parasitiko ang halamang rafflesia, na nabubuhay sa sustansya ng mga baging. Naaakit ang mga langaw at ibang inkseto sa alingasaw ng bulaklak na amoy nabubulok na laman. Nakakatulong ang mga insekto sa pagkalat ng pollen.

 

 

Ang iba’t ibang hugis ng fungi at kabute.

 

 

Ipinapakita ng isang malaking bowl at mga sako ng bigas ang papel ng tanim sa pang-araw-araw na buhay ng Pilipino: mula siyentista at magsasaka hanggang manininda at konsyumer.

 

 

Ang iba’t ibang uri ng ibon sa Pilipinas. Nakakita ka na ba ng Philippine eagle o ng agilang kumakain ng unggoy?

 

 

Paano tumanda at manatiling single. Joke lang! Nakakaaliw sundan ang proseso kung paano nababaon ng panahon ang buto ng isang hayop sa materyal ng bato.

 

 

Ang kamangha-manghang replica ng mga buto ng Tyrannosaurus rex. Madali lang panoorin sa ‘Jurassic Park’ pero di ko alam kung anong gagawin kung may makaharap akong ganito kalaki at kabangis sa totoong buhay.

 

 

Bahagi naman ito ng Kuwento ng Uniberso. Nangarap ka bang maging astronaut nung maliit ka pa?

 

 

Maririnig sa loob nitong mga mala-matang upuan ang naririnig ng mga astronaut sa kalawakan. Parang gumagasgas sa pandinig ang mga radio waves.

 

 

Ang iba’t ibang mukha ng buwan.

 

 

Sa ikalawang palapag makikita ang eksibit para sa Kuwento ng Teknolohiya. Maaamoy mo sa mga bolang salamin ang amoy ng fern, ng lavender, ng citrus, atbp. Alam mo bang kaya nating makaamoy ng 10,000 klase ng amoy? Alam mo rin bang ang mga amoy ang pinaka mainam na paraan para sariwan ang isang alaala?

 

 

Ipinapaliwanag ang klase-klaseng imbensyon ng tao sa Kuwento ng Teknolohiya.

 

 

Natuwa ako dito sa mga kuliglig na iilaw at tutunog lamang kapag maramdaman nilang may nakatingin sa kanila.

 

 

Ang iba’t ibang uri ng sasakyan.

 

 

 

 

Ang satellite sa likod ng telebisyon, cellphone, at pag-espiya ng makapangyarihang mga bansa.

 

 

Iba’t ibang uri ng sapatos. (Para sa niyebe ang nasa harapan.)

 

 

Ikinukuwento sa malaking iksrin ng mga kabataan kung bakit nila mahal ang teknolohiya.

 

 

Kung may oras lang sana ako, nasulit ko sana ang aking all-day pass (nakapila rin sana ako sa dalawa pang eksibit). Pero may kinailangan akong gawin at umalis ako bago pa magsara ang museo (bukas hanggang 9pm tuwing weekend). Ito ang paborito kong souvenir sa shop: wala na yatang mas cute sa mga thermos ng Mind Museum.

Kahit na matagal na akong nagtapos sa pag-aaral, marami akong bagong napulot sa aking pagbisita. Higit na mahalaga, nag-ibayo ang aking pagkamangha sa kagandahan ng ating daigdig at sa kabutihang naidudulot ng teknolohiya.

 

El Bosquejo

 

 
 

leave your comment