Lace, florals, at python sa Myth

by Be-Blogger Pilipinas on: Junio 8th, 2012

 

Ilang taon nang nasa Greenbelt 5 ang tindahang Myth, isa sa mga Pinoy-only na boutique sa ikalawang palapag ng naturang mall. Kita kagad sa pintuan ang mga pangalan ng mga beterano at baguhang designer na bumubuo sa grupo: sina Randy Ortiz, Chris Diaz, Francis Libiran, Henri Calayag, Jing Monis, Joel Escober, Joey Samson, Louis Claparols, Noel Crisostomo, ProudRace, Robin Tomas, at Xernan Orticio.

 

 

Itong mga bestidang lace ni Joel Escober ang isa sa mga una kong napansin pagpasok ng boutique.

 

 

Imbes na karaniwang itim na kulay ang ginamit, asul ang pinili ni Escober, na kanyang ipinatong sa cream. Asyano ang dating ng burda, malalaki ang kumpol at di kasimpino ng maka-kanluraning dibuho.

 

 

Kapansin-pansin din itong mga floral na polo ni Randy Ortiz para sa Myth. Kagad kong nalala ang kamisang suot ng maglalatik dahil sa pulang polo sa gitna. Oo, kakatapos lang ng panahon ng tag-init sa Pilipinas, ngunit sa palagay ko babagay pa rin ang bulaklaking damit para sa umaga.

 

 

Mga blazer naman ni Ortiz sa matitingkad na kulay at beige, kasama ng floral at paisley na print. Kung medyo nahihiya pa ang mga kalalakihang umagaw ng pansin, ibagay lamang sa maong at khaki: siguradong hindi niyo mamimiss ang tag-init.

 

 

Kaiga-igaya ang shop window ng Myth dahil napapalamutian ng mga kuwintas at sinturon ni Chris Diaz na yari sa sigay (ginagamit sa sungka), semi-precious stones, crystal, at plastic.

 

 

Sigurado akong magugustuhan ito di lamang ng mga nanay na nag-oopisina, kundi pati na rin ng mga dalagang mahilig sa kakaibang accessories.

 

 

 

Oo, tunay na balat ng ahas ang ginamit para sa mga tote, cluthc, at minaudière ni Randy Ortiz.

 

 

Para sa mga sawa na sa animal print na cheetah, leopard, at kahit tiger, pag-isipang balikan ang eksotikong python.

 

 

Mga clutch ni Adante Leyesa na yari sa rattan, beads, at semi-precious stones. Babagay ang kulay ng natural fiber sa maong at pang-araw-araw ng bihis, at pati na rin pam-party. Ito ang disenyong masasabing tunay na atin.

 

 

Kakaibang kuwintas ni Joel Escober. Kita niyo ba ang mga ginamit niyang zipper?

 

 

Mga gawa nina Leyesa at Escober. Marami pang makikita at magagaligad sa Myth, lalo na para sa mga naghahanap ng kakaibang desenyo na yaring Pinoy. Siguraduhing bumisita kapag napadaan kayo sa Greenbelt 5. Baka tulad ko, matuwa kayo sa ilang damit o accessory na di niyo matitiis na di maiuwi.

 

El Bosquejo

 
 

leave your comment