Maligayang Araw ng Kalayaan!

by Be-Blogger Pilipinas on: Junio 12th, 2012

 

Oo, marami pa ring malungkot dahil sa pagkatalo ni Manny Pacquiao sa kanyang laban kay Timothy Bradley, at hanggang ngayon pati rin sa pagkatalo ni Jessica Sanchez, isang Filipina-Mexican-American sa American Idol. Ngunit ngayong araw, higit na mahalagang isaisip ang lahat ng Pilipinong nagpunyagi at nagbuwis ng buhay para sa kalayaan ng bansa: ang ating tunay na mga bayani.

 

Ngayong araw, ika-12 ng Hunyo, ang ika-144 na anibersaryo ng pagtatag ng kalayaan ng Pilipinas sa Kawit, Cavite. Totoo, andami pa rin nating suliraning di masolusyunan matapos ng halos isa at kalahating daang taon. Hanggang ngayon, marami pa rin sa atin ang watak-watak. Walang nagsabing madali ang mamuno sa halos isang daang milyong tao, isama mo pa ang ga-higanteng mga problema pagdating sa pakikitungo sa ibang bansa.

 

 

Ngunit hindi ngayon ang panahon para maliitin ang ating mga tagumpay. Pagkatapos ng tatlong siglo sa ilalim ng mga Espanyol, nabuo ang ating iisang identidad na sumasaklaw sa 7,107 na isla ng Pilipinas. Tumindig tayo bilang sambayanan. Matapos ng pagmamalabis ng mga mananakop, nagising tayo bilang isang bansa.

 

 

Ngunit hindi nakakamit ang kalayaan sa pamamagitan lamang ng isang digmaan. Patuloy dapat itong ipinaglalaban. Araw-araw tayong titindig, sa pamamagitan ng pangkalahatan at sari-sarili nating mga gawain.

 

 

Araw-araw nating itinataguyod ang kalayaan ng ating bansa, at di lamang laban sa modernong mananakop, kundi laban sa inutil na mga pinuno, sa ating ugali, at sa kalakarang sumisira at nagpaparupok ng lipunan.

 

 

Malaya tayo para magtaguyod ng mga komunidad kung saan umuunlad ang lahat at walang sinasamantala.

 

 

Malaya tao para ipagdiwang ang maganda at mabuti sa isa’t isa.

 

 

Malaya tayo para umibig, magpalaki ng pamilya, mag-aral at mamahagi ng galing at kaalaman, makihalubilo. Malaya tayo para magmalasakit at makialam.

 

 

Responsibilidad ang kalayaan. Isa itong biyaya na dapat alagaan at payabungin. Alalahanin natin ang payo ni Jose Rizal, ang ating pambansang bayani, tungkol sa paglingon sa nakaraan. Walang ibang paraan para marating ang pupuntahan.

 

(Galing ang mga larawan sa 2012 Philippine Independence Day Parade sa New York. Pasasalamat kay Noel Y. Calingasan para sa pagpapaunlak.)

 

El Bosquejo

 
 

leave your comment