Ang Barberya ni Jose Rizal

by Be-Blogger Pilipinas on: Junio 22nd, 2012

 

Bago matapos ang Hunyo, hayaan nating maghuling hirit ang ating pambansang bayani para sa buwan ng kalayaan. Dumaan ako sa Manila Contemporary noong isang linggo para sa eksibisyong “Through the Looking Glass: Jose Rizal”, isang pagmumuni-muni tungkol sa iba’t ibang bahagi ng kanyang makulay na buhay.
Kapansin-pansin ang “Sr. Jose ‘El Barbero'” ni Francis Commeyne: tatlong paskil ukol sa pagiging swabe ni Rizal bilang manliligaw at mangingibig. Syempre di nagbabago ang estilo ng buhok: taglay niya ang lahat ng inilistang katangian, o “hairdo”.

 

 

 

May iba’t ibang suklay para sa sari-saring estilo/katangian.

 

 

Alin ka dyan?

 

Ang “El Escandalo De Finales Del Siglo XIX” ni Lee Paje.

 

 

Si Rizal bilang tauhan sa Lego sa “Jose P. Rizal” ni Clairelynn Uy. Sana may ganito talaga? (Sa tingin niyo ba nakahon na rin ang ating bayani tulad ng mga tauhan sa Lego?)

 

 

Ang “Bandera I-III” ni Francisco Guerrero.

 

 

Tila ba humahaba ang bandila para ganap na takluban si Rizal?

 

 

Ang “Death of an Incognito” ni Erik Sausa. Mukhang si Rizal ang nakahandusay, pero kamukha niya ang mama sa larawang “The Son of Man” ni Rene Magritte, kung saan nakasuot din siya, tulad ni Rizal, ng isang bowler hat. Ano kaya ang pahiwatig ng mansanas tungkol sa nalalaman natin kay Rizal? Sa di niya nakikita? Higit pa siguro, sino ang tatlong babae? Sila ba ang Griyegong Fates na gumugupit sa buhay ng isang nilalang? Bumubuo ba sila ng bulaklak mula sa sinulid?

 

 

Itong susunod na dalawang mixed media work ay likha ni Don Salubaya. Ang una ay pinamagatang “Samantala”. Bahagi ang pamagat ng siping: “Samantala, sa bulwagan ng malaking bahay, ay…” na malamang ay buhat sa isa sa mga nobela ni Rizal. Alin sa tingin ninyo?

 

 

Ang susunod ay pinamagatang “Baket Daw?” Sa larawan, may kalalakihang nagsasabong, at may lumulutang na mga sipi ng pag-uusap. Kasama kaya si Crisostomo Ibarra sa eksena?
Sa lahat ng naisulat kay Rizal, malamang marami pa tayong di nalalam tungkol sa kanyang buhay. Paano kaya niya naisip ang kanyang mga naisip? Ano ang nakita niya sa mga Pilipino para ibuwis ang kanyang buhay?

 

El Bosquejo

 

 

 
 

leave your comment