Kamusta? Matapos ng isang buong buwan, nagkita na naman tayo ulit. Tamang-tama at may gusto akong ipakilalang bagong lookbook ng ilan sa aking mga kaibigan.
Pansinin ang paggamit ng plastik bilang skirt, blouse, at cape, at ang pagkakaulit nito sa mga sapatos na idinisenyo ni Ally Duazo ng Gold Dot.
Tulad ng pagkakaroon ng model sa loob ng kalawanging pabrika, parang hindi bagay ang paghahalo ng plastic at tela, ng leather at ng mga bagay na mukhang piyesa ng makina.
Pero mahirap iwasang sabihing ang ganda ng kinalabasan. Lalong umiigting sa mga outfit, at pati na rin sa mga sapatos mismo, ang iba’t ibang uri ng bagay na ginamit.
Ang pamagat ng lookbook ay “Automaton”, na ibig sabihin ay isang makinang kumikilos tulad ng isang tao, o ang kabaliktaran. Mukhang sa pagkakataong ito, naipalabas na natural lamang sa atin ang mag-astang robot samantalang napapaligiran ng isang siyudad na natutulog at nagigising sa ugong ng bakal.




































