Ang Barberya ni Jose Rizal

by Be-Blogger Pilipinas on: Junio 22nd, 2012

 

Bago matapos ang Hunyo, hayaan nating maghuling hirit ang ating pambansang bayani para sa buwan ng kalayaan. Dumaan ako sa Manila Contemporary noong isang linggo para sa eksibisyong “Through the Looking Glass: Jose Rizal”, isang pagmumuni-muni tungkol sa iba’t ibang bahagi ng kanyang makulay na buhay.
Kapansin-pansin ang “Sr. Jose ‘El Barbero'” ni Francis Commeyne: tatlong paskil ukol sa pagiging swabe ni Rizal bilang manliligaw at mangingibig. Syempre di nagbabago ang estilo ng buhok: taglay niya ang lahat ng inilistang katangian, o “hairdo”.

 

 

 

May iba’t ibang suklay para sa sari-saring estilo/katangian.

 

 

Alin ka dyan?

(more…)

 
 

1 comentario

 Pagpupugay kay Anita Magsaysay-Ho

by Be-Blogger Pilipinas on: Mayo 10th, 2012

 

Sumakabilang-buhay noong isang linggo, ika-apat ng Mayo, ang isa sa pinaka dakilang pintor, modernista, at alagad ng sining sa buong kasaysayan ng Pilipinas. Si Anita Magsaysay-Ho, na kamag-anak ng dating presidenteng Ramon Magsaysay, ay kilala para sa kanyang mga larawan ng pesanteng Filipina. Ipinagdiwang niya sa kanyang mga kambas ang kababaihan ng bansa na sa kalakhan ay manggagawang dagat at bukid: nagtatahip ng palay, umaani ng prutas at gulay, nagtatali ng tinabas na tubó, nagsusulsi ng lambat at nagtitinda ng sariwang húli, naghahabi ng basket, nagluluto, nagtatanim.

 

 

Malalim ang paghanga ni Magsaysay-Ho sa Filipina. Kahit na makailang beses siyang tumira sa ibang bansa dahil sa negosyo ng kanyang asawa — Hong Kong, US, Brasil, Japan, at Canada — nanatili sa kanyang puso ang kanyang mga kababayan. Naging inspirasyon ang kanilang kilos, pag-uugali, paraan ng pagpapakita ng ligaya at lunggati, kasipagan at kahinaan, ang kanilang pagdiriwang ng buhay. “Batid ko ang lakas, kasipagan, at dignidad ng Filipina, dahil isa ako sa kanila,” ang sabi ni Anita (sa Inggles) kay Alfredo Roces sa librong ‘Pagpupugay sa Kababaihan’ (‘In Praise of Women’).

 

 

Malaki ang papel ni Magsaysay-Ho sa pagdadala ng estetikang modernista sa pagpinta sa Pilipinas. Kasama niya sa listahan ni Victorio Edades ng “13 Modernista ng Pilipinas” sina Galo Ocampo, Botong Francisco, Vicente Manansala, H.R. Ocampo, Cesar Legaspi, Demetrio Diego, Diosdado Lorenzo, Jose Pardo, Ricarte Purugganan, Bonifacio Cristobal, at Arsenion Capili. Sa pamamagitan ng pagsasalarawan niya ng buhay Filipino at pagsasanib ng tradisyunal sa modernista sa sining, nananatiling kayamanan ng bansa ang kanyang iniwang mga likha.

 

(more…)

 
 

Leave your comment

 “Southern Stories” sa Heima, Makati

by Be-Blogger Pilipinas on: Mayo 3rd, 2012

 

Dadaan sana ako sa launch ng “Southern Stories” film photography exhibit nina Charles Buenconsejo at Aleyn Comprendio sa Heima Makati nitong huling Sabado, pero syempre meron na naman akong kina-cram kaya kahapon nang umaga lang ako nakadaan.

 

 

Unang beses pa lang ako nakapasok sa Heima (may branch din sa Cubao Expo). Bahagi itong de-papel na ibon at puno sa window display sa Makati.

 

 

“Oh Hi, Summertime” ang pamagat ng kuleksyon ngayon sa Heima, isang home and lifestyle store. Kasama sa kanilang tinda itong sofa na may telang mukha ngang babagay sa kagubatan.

 

 

Ang galíng ng pagkakagawa ng white-on-white na baging at kakahuyan. Naaalala ko tuloy yung iba kong mga art project sa high school na damagan akong nakipagtuos sa gunting at cutter.

 

 

Ang patse-patseng sofa sa likod ng bintana.

 

 

Isang hilera ng madadamot na squirrel.

 

 

Ang galíng ng pulang detalye nitong upuan (tulad ng naunang sofa). Parang handa nang pitasin.

 

 

Heto na tayo sa exhibit. Ito ang display para sa “Southern Stories” na bahagi ng ilang makukulay na desk.

 

 

Ang paborito kong larawan, “Grace” na kuha ni Charles Buenconsejo. (“Sea, Sun and Sky” ang pamagat ng kanyang bahagi ng exhibit.)

(more…)

 
 

Leave your comment

 “Psychopomp’s Reef” ni Leeroy New

by Be-Blogger Pilipinas on: Marzo 29th, 2012

 

Ito ang depinisyon ng “psychopomp”: “patnubay ng mga kaluluwa tungo sa lugar ng mga yumao”. Para kay Leeroy New, isang kakaibang nilalang ang kumakatawan dito: di mo maintindihan kung insekto, gagamba, elepante, o pugita. Malamang, ang kalalabasan kung pinagsama-sama sila.

 

 

Paglapit mo sa estatwa, makikitang gawa ito sa itinaling tubo ng plastik at mga strap na ginagamit upang ipagdugtong-dugtong ang iba’t ibang uri ng kagamitan.

 

 

Mukhang mga sinaunang halaman ang pumapaligid sa psychopomp.

 

 

Walang dahon o bulaklak; meron lang silang mabibilog na sangang binabalutan ng “buhok”.

 

 

Para ngang sumisid ka sa ilalim ng dagat at nakatagpo ng kakaibang uri ng tangrib: kalahating korales, kalahating hayop at halaman.

 

(more…)

 
 

Leave your comment

 Bawal Magpaskil Dito

by Be-Blogger Pilipinas on: Marzo 22nd, 2012

 

Madalas nating nakikita ang “Post No Bill” sa mga dingding, ngunit sa tuwing matatagpuan ang paalala, madalas sa hindi, marami ring nakapaskil na poster, flyer, at kahit na numero ng tubero. Ano ba talaga ang kahulugan nito?

“Post No Bill” din ang pamagat ng eksibit sa Manila Contemporary. Baka makatulong sa ating pag-intindi ang mga larawan bahagi ng show. Tulad lamang nitong unang “Lead White” ni Antipas Delotavo, kung saan may isang lalaki at babaeng kapwa nakaputi sa gitna ng kambas.

 

 

Makikita sa paligid nila ang mga tauhang mukhang mula pa sa panahon ng unang Katipunan.

 

 

May mga sundalong banyagang may tangan ng baril at may mga Pilipinong halatang nababalot ng kaba at takot. Masasabi kayang ang dalawa sa gitna ng larawan ang henerasyong tagapagmana sa mga ipinaglaban ng paghihimagsik? Kung gayon, ano ang kanilang katuturan sa kasaysayan sa panahon ng (puting) kapayapaan?

 

 

May mga sundalo rin sa susunod na larawang pinamagatang “Cowboys and Indians” ni Clairelynn Uy. Sa kulay at liit, kumpara sa mga bulaklak, mukha lang silang laruan. Bakit kaya ipinagtapat ang dalawang imahen: ang isa ng pakikidigma ayon sa mga kalalakihan (matanda man o bata) at ang kabila ng kagandahang (kakulay ng dugo) laging naiuugnay sa kababaihan.

 

 

At bakit naman may gelatin sa “Flash and Lime” ni Uy? Parehong uri ba ito ng pagwawangis: ng paglalaban sa isang banda, at kalambutan sa kabila?

 

 

At ano namang ginagawa ni Batman at Robin sa “Who’s Up There” ni Jay Ticar? Ganoon ba katagal silang nagkulong sa Bat Cave at kailangan nila ngayong magbilad nang buong araw? O di kaya’y stranded talaga sila sa gitna ng dagat at ang tangi nilang kagamitan ay isang batya?

 

(more…)

 
 

Leave your comment

 Ang kakaibang still life ni Rachel Rillo

by Be-Blogger Pilipinas on: Marzo 15th, 2012

 

Pansinin ang pagkakaputol ng salitang “actualities”.

 

 

Pininturahan ni Rillo ng akriliko ang sari-saring mga gamit, pinagsama-sama, at kinunan ng letrato para sa kanyang seryeng “Frozen Actualities”. “She Sells” ang pamagat nitong unang larawan. Mukha lang ba silang laruan? Basura sa baybayin? Naisip mo ba bigla ang mga alon dahil sa kabibe sa tuktok ng piramide?

 

 

May sinasabi ang pagkakapangalan nitong ikalawang letrato, “Succulents”. Dahil sa pagkakapinta, di na mukhang makatas ang mga bulaklak, ang dahon, at ang ulo ng alkatsopas (artichoke). Pero dahil sa pagkakapintura, tila may ibang ipinahihiwatig ang pinagsamang mga bagay. May iminumungkahi ang hugis ng mga talulot, ang rabaw (surface) ng dahon, ang mga anino. Bakit nahihiwalay ang alkatsopas? Tila iba ang pinagmumulan ng sustansyang makukuha sa larawan.

 

 

Lata at karaniwang plastik na lalagyan ng pagkain ang laman ng “Lid Never Fits”. Walang silang mga takip. Bigla natin naaalala ang mga panahong naghahanap tayo ng lalagyan pero walang kapares na takip. Ngunit pag tinitingnan natin sila ulit sa letrato, pininturahang puti, parang di na plastik o lalagyan ang ating maiisip. Biglang nagkakatawan ang mga bagay. Biglang ibinabalik sa atin ang pamagat: ano ba ang kaya mong ipagkasya?

 

(more…)

 
 

Leave your comment

 Kabataan ngayon

by Be-Blogger Pilipinas on: Marzo 8th, 2012

 

Hindi na bago ang makatagpo ng mga painting sa mall. Halimbawa, lagi na lang mayroong ibinibenta sa Power Plant Mall sa Rockwell. Nasanay na rin ako sa karaniwang segunda-klaseng kalidad ng mga likha. Kaya laking gulat ko noong isang linggo nang makita ko ang ilan sa mga larawan sa Glorietta sa Makati.

 

 

Itong una ay pinamagatang “Top Performer”, likha ni Emmanuel Servino. Ngangayunin (current) ang sitwasyon sa larawan: mga batang ipinagmamalaki ang iba’t iba nilang talento sa sining, sa pag-arte, at sa pag-perform ng kung ano pang maisip ng kanilang magulang. Tunay na circus ang kinalalabasan ng mga talent show, kung saan hindi na pinapabayaang maging musmos ang kabataan. Hindi na sila hinahayaang yumabong at umunlad ayon sa sarili nilang oras.

 

 

Isa pa sa mga larawang tinitigan ko nang mabuti ang “Overexposure” ni Dexter Sy. Tungkol din ito sa kabataan. Sa unang tingin, kita ang apat na bata, malamang magkakapatid. May riple sa ulunan at may mga matatanda (mas maliit na pigura) sa kanilang harapan. May halo sa ulunan ang bunso sa kanan. Ano kaya ang ibig sabihin ng larawan?

 

 

Paglapit mo lamang makikita na may nakaukit na mga puso sa kanilang mga mukha. May pekas-pekas din sila sa katawan na mukhang karamdaman ng balat (internal organs?). Uhugin ang tatlo sa kanila. Nakatitig kaya sila sa telebisyon? Media violence kaya ang pahiwatig ng baril sa kanilang ulunan? Sa isang banda, maaaring tingnang di wasto para sa kanilang edad ang kanilang pinapanood; sa kabila naman, maaaring sila naman ang pinapanood ng lipunan (ang maliliit na pigura ng matatanda) na labis ang pangungusisa.

Sa panahon ngayon na kahit maliit na bata ay mayroon nang iPad o iPhone, at may account sa Facebook at Twitter, mainam pagnilayan kung ano ang epekto sa kabataan ng labis-labis na pagka-materyalistiko ng lipunan. Paano nito nababago ang kanilang pagpapahalaga sa buhay? Anong epekto nito sa kanilang edukasyon, sa kanilang pagkatao? Mahalaga ang mga tanong lalo na’t madalas hindi magulang ang nagpapalaki sa kanilang mga anak, kundi ang kanilang mga yaya at ang media sa kanilang harapan.

(Hatid ng Paseo Gallery ang exhibit na hanggang ika-16 ng Marso sa Glorietta, Makati.)

El Bosquejo

 
 

Leave your comment

 Art in the Park sa Salcedo Village

by Be-Blogger Pilipinas on: Febrero 22nd, 2012

 

Nitong huling sabado lang yata ako nakakita ng ganoong karaming larawan at eskultura sa isang pampublikong parke. Dinayo nang husto ang “Art in the Park” sa Jaime Velasquez Park, Salcedo Village sa Makati. Pagkapasok na pagkapasok mo pa lang, maeengganyo ka agad mag-ikot at maglibot.

 

 

Pinaka nagustuhan ko ang mga eskultura nina Charlie Co at Pete Jimenez na bumati sa mga bisita sa bungad.

 

 

Ganito kaya magalit ang kaldero sa pang-aabuso ng mga kusinero?

 

 

Di mo aakalain kung saan galing ang mga gamit na pinagsama-sama ni Jimenez para bumuo ng iba’t-ibang hugis at anyo ng metal.

 

(more…)

 
 

Leave your comment

 Letras Y Figuras

by Be-Blogger Pilipinas on: Noviembre 1st, 2011

 

Isa sa mga pinaka nakakaaliw na uri ng sining sa Pilipinas ang Letras Y Figuras. Malamang di na bago ang ideyang bumuo ng mga letra gamit ang katawan; malamang marami sa inyo ang nakagawa na nito lalo na sa beach, kasama ang mga kaibigan. Pero matagal nang bahagi ng ating kultura ang Letras Y Figuras, at tulad ng gawi ngayon, kadalasan itong ginagamit noong panahon ng Espanyol para baybayin ang pangalan ng padrong magpapa-commission ng larawan.

Ang unang halimbawa ay mula sa librong “Life in the Colony, Kasaysayan: The Story of the Filipino People”. Mamamalas dito ang iba’t ibang papel ng tao sa kolonyal na lipunan: lalaking magsasaka at ang kanyang maybahay na naghihintay sa kubo, ang babaing miyembro ng maykayang pamilyang nagmamay-ari ng kabayo, ang lalaking ilustradong nakabihis Europeano, ang prayle, at ang guardiya sibil.

 

(more…)

 
 

Leave your comment

 Ang paglalakbay ni Ramona Dela Cruz-Gaston

by Be-Blogger Pilipinas on: Octubre 20th, 2011

 

“Ramona in the Details” ang pamagat ng unang solo exhibition ni Ramona Dela Cruz-Gaston, na kasalukuyang naka-display sa Vinyl on Vinyl sa The Collective. Sa pamamagitan ng walong mandala, isang simetrikong pigura para sa mga Hindu at Buddhist na kumakatawan sa sansinukob, isinasalarawan ni Ramona ang huling apat na taon ng kanyang buhay ayon sa iba’t iba niyang papel: bilang mangingibig, bilang asawa, bilang ina, at bilang manlilikha.

Una ang “The Deep Red Hue” na masasabing kumakatawan sa kanyang pagkabata. Ang maliit na maliit na puso sa gitna ng kambas ay pinalilibutan ng imahen ng mga bubuyog, numero at hugis sa roulette, mga bestida, mga elepante at kabayo sa carousel, mga hourglass, spoke, at apat na dice. Masasabing nahahaluan ang mga imahen ng pagiging inosente ng mga simbolo ng kapahamakan, pangunahin na ang mga bubuyog.

 

 

Ikalawa ang “The Traveler” na nagpapakita ng mga imahe ng pagtuklas. Ang bubuyog sa “The Deep Red Hue” ay naging mansanas.

 

 

Ikatlo naman ang “The Great Medallion”, na masasabing kumakatawan sa personal na pagsasaliksik para sa kahulugan ng buhay sa pamamagitan ng iba’t ibang pananampalataya. Anuman ang mapili, lahat ay umiinog sa kamatayan.

(more…)

 
 

Leave your comment