Ang kuwento ng aking laspag na headphones

by Be-Blogger Pilipinas on: Agosto 3rd, 2011

 

Noong 2006 ko pa ito binili, Bose Quiet Comfort III Acoustic Noise Cancelling headphones. Pero kasalanan ko kumbakit tuklap na ang lalagyan. Mag-aapat na taon ko na siyang gamit. (Nakapatong sa case ang nabingwit kong pitaka ng barya.) Medyo nasira yung isang tainga. Kasi naman ginamit ko sa gym at pinagpawisan. (Ayaw ko kasi marinig ang pagmamayabang ng ilan diyan.) Kaya pang pagtiyagaan, pero kailangan ko nang dalhin sa shop.

 

 

Eto siya, buhay pa rin, kahit na may masking tape na banda sa plug. Binili ko siya dahil nung panahong ‘yon araw-araw akong sumasakay ng tren mula bahay hanggang trabaho, 1 1/2 oras papunta at 1 1/2 oras pauwi. Mahilig akong sumakay ng tren. Hinahanap-hanap ko pa rin siya minsan, pero kapag laging siksikan at gusto ko lang manahimik at makapag-isip, gusto ko walang distorbo.

 

 

Kaya ayun. Medyo mahal, presyong ginto raw sabi ng aking pinsan. Pero nung una ko siyang sinubukan, ayaw ko nang hubarin. Tulad lang sa damit, alam kong kailangan ko siyang bilhin. (Di ka lang makakapag-zone out nang di sinisira ang iyong tainga, madali pang i-recharge ang baterya. Kasama sa case ang pansaksak.) Pero ngayong di na ako masyadong sumasakay ng MRT at mas madalas na sa dyip, siguro nagsawa na rin ako.

 

 

Tulad ngayong umaga, umuulan at may naririnig akong humuhuning ibon (oo, waterproof sila). Minsan rin, dahil likas akong tsismoso, gusto kong marinig ang kuwentuhan ng mga tao. Sinusuot ko na lang siya kapag gusto kong mag-shopping at ayaw maabala ng madla sa mall. (Yang mukhang buto ay para sa kable ng headphones, para di magbuhol-buhol.) Ang kailangan ko siguro ngayon ay bagong download para ma-enganyo ako ulit makinig nang walang istorbo. Di lang ng tugtog, lalo na ng mga pinalampas kong sitkom. (“Modern Family II”, “Nurse Jackie”, atbp sa iPhone at iPad).

O siya!

 

El Bosquejo

 
 

Leave your comment