
Sa biyahe pauwi kanina, may nadaanan akong tindahan ng parol malapit sa Osmeña Highway. Napansin kong habang lumilipas ang panahon, di lang kumokonti ang mga parol sa kalsada; di na rin ganon ka-excited ang mga tao pagdating ng Setyembre. Minsan pinalilipas pati ang Oktubre at Nobyembre nang wala masyadong ilaw, kulay, at palamuti sa Maynila.

O baka nasa maling lugar lang ako. Naaalala ko tuloy dati ang tabi-tabing mga tindahang ng mga parol sa iba’t ibang hugis ng bituin. Parang paputok: iba-iba rin ang pagkakasunod-sunod ng mga ilaw.

Ang parol na siguro ang pinaka Pinoy na bahagi ng ating Pasko. Hindi si Santa Claus, dahil wala naman tayong mga chimney (at hindi lalo na ang mga reindeer). Hindi ang belen, at hindi ang Noche Buena, na pawang galing Espanya. Totoo, ang imahen ng bituin ng Bethlehem ay galing sa Bibliya, ngunit ang pagpapalamuti nito bilang parol ay tanging atin.

Sa totoo lang (di ko alam kung dahil tumatanda na ako) mas gusto ko pa nga ang ganito kasimpleng parol: kulay puti lang at yari sa kapis.

O yari sa simpleng kawayan at papel de hapon. Mas malapit sa puso, lalo na’t sigurado akong ang unang Pasko ay ganito rin katahimik at kadalisay. Kasimpayak ng munting pagdiriwang sa isang dampa.
El Bosquejo
(Mga larawan mula sa: Gapnud, kay Mon Abasolo, sa Gohucasoneric, atbp.)