Pandaigdigang Gabi ng mga Aklat

by Be-Blogger Pilipinas on: Abril 23rd, 2012

 

Maligayang Pandaigdigang Gabi ng mga Aklat! Ang World Book Night ay pagdiriwang ng mga libro at pagmamahal sa pagbasa kung saan ipinamamahagi ng libo-libong volunteer ang kanilang paboritong babasahin sa kanilang sari-sariling mga komunidad. 25 mga pamagat ang pinipili para ilathala sa ilalim ng World Book Night edition. Pipili ang mga kalahok ng isang librong ibabahagi nila sa mga di madalas magbasa o walang access sa mga aklat, tulad ng kapus-palad at mga bilanggo. Pinahahalagahan ng World Book Night di lamang ang pagmamahal sa pagbasa, kundi pati na rin ang papel ng literacy.

 

Dahil hindi pa kasapi ang Pilipinas sa event (kasama ang UK, Ireland, Germany, at US ngayong 2012), ipamamahagi ko na lang ang ilan sa mga paborito kong libro mula sa aking munting aklatan.

 

 

Medyo huli nang nagsimula ang aking hilig sa pagbabasa (syempre bago nito dumaan din ako kay Dr. Seuss, Adarna Books, at sa comics). Sa tula, si Rainer Maria Rilke ang may “kasalanan” at sa nobela naman si Gabriel Garcia Marquez. Naaalala ko pa noong natapos ko sa wakas ang “One Hundred Years of Solitude”: napanganga na lang ako nang ibinaba ko ang libro. Di ko akalain noon na kaya pala ng mga aklat ang ganoong uri ng mahika.

 

 

Mula sa aking pagkawili at pagmamahal sa pagbabasa ng mga tula, sinubukan ko ring magsulat at mag-aral ng mga akda mula sa Pilipinas at sa ibang bansa.

 

(more…)

 
 

Leave your comment

 Ang nilalaman ng aking Benetton tote

by Be-Blogger Pilipinas on: Abril 19th, 2012

 

Sa mga nakakakilala sa akin, alam nilang lagi akong maraming dala. Hindi sasapat sa aking mga gamit ang iisang bag: madalas dalawa ang nakasabit sa aking katawan, minsan pa’y umaabot ng tatlo. At dahil mahilig akong mag-cram, lagi kong hawak ang aking cellphone. Kundi ako nagsusulat ng email, tinitingnan ko ang aking schedule o may tinatapos akong tula o blog post. Kaya naman nasanay na akong nakasabit lang sa balikat ang bag — tote madalas ang ikalawa — para malaya ang aking mga kamay.

 

Anong nilalaman ng aking tote? Madalas mga libro, mga paboritong magazine, minsan may kuwaderno. Para mas madali ang buhay, dala ko minsan ang aking point-and-shoot imbes na ang mas mabigat na DSLR. Kaya tamang-tama lang itong mesh tote ng Benetton na naaayon sa tag-init ang mga kulay. (Andyan lamang ang belt kasi kakulay niya ang tote.)

 

 

Kasama rin minsan sa aking kalat ang aking cellphone, lalo na kapag siksikan sa dyip at ang hirap ibalik sa bulsa. Diba ang cute ng bagong two-tone na lalagyan galing din sa Benetton? Kasyang-kasya ang iPhone.

 

Bakit kamo kailangan ko laging bitbit ang napakaraming babasahin? Dahil ayaw ko magsayang ng oras. Di ko gustong nababagot, lalo na sa mga di inaasahang pagkakataon na kailangan kong maghintay — kahit na madalas di rin ako nakakabasa dahil lagi akong may iniisip o mayroon na namang nakaagaw ng aking pansin.

 

El Bosquejo

 
 

1 comentario

 Metro Serye: Panitikan sa bulsa

by Be-Blogger Pilipinas on: Marzo 23rd, 2012

 

Pauwi mula sa trabaho noong isang araw, bigla ko na lang nalamang kumakanta pala si “Gloc 9″ (“Upuan” ang kanyang kanta), isang popular na musikero, sa Ayala Triangle. Natagpuan ko sa mga tagapanood ang ilang kaibigan at gurong makata at manunulat. Bitbit ng ilan ang kanilang mga mag-aaral.

 

 

Huling bahagi na pala ng programa si Gloc 9. “A Walk Through Words at the Gardens” ang pamagat ng event na idinaos para ipagdiwang ang World Poetry Day (March 21). Kasama sa mga nagbasa ng tula sina Krip Yuson, Jimmy Abad, Vim Nadera, Mike Coroza, RJ Ledesma, at Kael Co. Ang poetry reading ay bahagi lamang sa mga proyekto ni Mookie Katigbak-Lacuesta, ang patnugot at isa sa mga organisador ng Metro Serye, isang kalipunan ng panitikang inililimbag tuwing tatlong buwan sa porma ng isang city map. Inilunsad ito noong Oktubre 2011.

 

 

Di lamang tula ang nilalaman ng Metro Serye, pati rin maikling kuwento at iba pang anyo ng panitikan. Isang paraan ang Metro Serye upang buhayin ang pagmamahal sa pagbabasa, na di kailangang sa harap ng iskrin, na maaaring sa papel pa rin kahit na malukot pa at mapunit sa loob ng bulsa.

 

El Bosquejo

 
 

Leave your comment

 Ang ika-33 na Manila International Book Fair

by Be-Blogger Pilipinas on: Septiembre 19th, 2011

 

Nilusong namin ang ulan at ang dala nitong trapik noong Sabado para makadalo sa 33rd Manila International Book Fair. Sa Exhibit Hall 1-4 ng SMX Convention Center ng Mall of Asia ginanap ang book fair.

 

 

Pagpasok na pagpasok, halos malula kami sa dami ng booth at pasilyo. Hindi isang klase lang ng aklat ang ibinibenta: bukod sa mga nobela at tula, marami ring aklat pambata, mga reference books, mga libro ng mga religious, at ang pinaka marami sa lahat ay reference books para sa iba’t ibang klase ng disiplina. Di sorpresa na pinaka marami sa mga dumalo ay mag-aaral.

 

 

May espesyal ring mga booth para sa Filipiniana: mga aklat tungkol sa ating sining, pagkain, kasaysayan, atbp.

 

 

Pinaka matagal kami sa booth ng UST Publishing House dahil may book signing.

 

 

Andun premyadong musikero, emcee, makata, at peryodistang si Lourd de Veyra para mag-autograph ng kanyang dalawang bagong libro: ang “Insectissimo”, mga tula; at ang “Super Panalo Sounds!”, ang kanyang unang nobela.

 

(more…)

 
 

Leave your comment

 Bookay-ukay

by Be-Blogger Pilipinas on: Julio 7th, 2011

 

Ito ang dingding na babati sa’yo pagpasok mo sa Bookay-Ukay, sa 55 Maginhawa Street, UP Teacher’s Village, Diliman, di kalayuan sa Moonleaf Tea Shop. Bago mapuno ng mga nakapaskil na larawan ng mga dating pangulo at pulitiko, ng magsasaka, at bungo sa iba’t ibang anyo, pulos grafiti ang makikita mo (mababasa, kung maintindihan mo). Dito pa lang, alam mo nang di basta-bastang “bookstore” ang Bookay-bukay. Bookstore? Anong bookstore?

 

 

Ayon sa kanilang Multiply site, ang Bookay-bukay ay isang art installation: pansalag at pambato sa malalaking tindahan ng libro, pati na rin sa mga institusyong sumisikil sa malayang pag-iisip. Dinadayo ito ng mga mag-aaral ng UP, lalo na ng mga mahilig magbasa at namamahalan sa mga preyso ng libro sa National o sa PowerBooks. Marami ring makikita ritong mahirap matagpuan sa iba.

 

(more…)

 
 

Leave your comment

 Berso sa metro

by Be-Blogger Pilipinas on: Junio 24th, 2011

 

Pauwi akong pagod sa kasisiksik sa Divisoria at Quiapo. Halos mabitawan ang rail sa LRT sa antok, bigla kong napansin ang isang tulang nakapaskil sa loob ng tren: “Oh, Manila, en la corola/de un casto lirio nacida!/gentil princesa dormida/sobre la espuma del mar!” Isinalin sa Filipino: “O, Maynila, sa talulot/ng mahinhing liryo isinilang!/mabunying prinsesang nahihimlay/sa bula ng karagatan.” Isinulat ito ni Pacifico Victoriano.

 

 

Ilang buwan/taon na mula nang nakabasa ako ng tula mula sa proyektong “Berso sa Metro”, dahil di ako madalas sumakay ng LRT. Nakakagulat pa ring makatagpo ng tula sa tren, kahit na makaluma at salin lamang mula sa Espanyol. Ilang tao ang tumitingala talaga upang magbasa? Samantalang karamihan ay yumuyuko upang magtext o mag-update ng kanilang Twitter o Facebook account. Totoo, masarap magbasa ng magasin, pero kung gusto mo talagang makapunta sa lugar na ikaw lamang ang makakapunta, magbukas ka ng aklat.

 

El Bosquejo

 
 

1 comentario