Pandaigdigang Gabi ng mga Aklat

by Be-Blogger Pilipinas on: Abril 23rd, 2012

 

Maligayang Pandaigdigang Gabi ng mga Aklat! Ang World Book Night ay pagdiriwang ng mga libro at pagmamahal sa pagbasa kung saan ipinamamahagi ng libo-libong volunteer ang kanilang paboritong babasahin sa kanilang sari-sariling mga komunidad. 25 mga pamagat ang pinipili para ilathala sa ilalim ng World Book Night edition. Pipili ang mga kalahok ng isang librong ibabahagi nila sa mga di madalas magbasa o walang access sa mga aklat, tulad ng kapus-palad at mga bilanggo. Pinahahalagahan ng World Book Night di lamang ang pagmamahal sa pagbasa, kundi pati na rin ang papel ng literacy.

 

Dahil hindi pa kasapi ang Pilipinas sa event (kasama ang UK, Ireland, Germany, at US ngayong 2012), ipamamahagi ko na lang ang ilan sa mga paborito kong libro mula sa aking munting aklatan.

 

 

Medyo huli nang nagsimula ang aking hilig sa pagbabasa (syempre bago nito dumaan din ako kay Dr. Seuss, Adarna Books, at sa comics). Sa tula, si Rainer Maria Rilke ang may “kasalanan” at sa nobela naman si Gabriel Garcia Marquez. Naaalala ko pa noong natapos ko sa wakas ang “One Hundred Years of Solitude”: napanganga na lang ako nang ibinaba ko ang libro. Di ko akalain noon na kaya pala ng mga aklat ang ganoong uri ng mahika.

 

 

Mula sa aking pagkawili at pagmamahal sa pagbabasa ng mga tula, sinubukan ko ring magsulat at mag-aral ng mga akda mula sa Pilipinas at sa ibang bansa.

 

(more…)

 
 

Leave your comment

 Metro Serye: Panitikan sa bulsa

by Be-Blogger Pilipinas on: Marzo 23rd, 2012

 

Pauwi mula sa trabaho noong isang araw, bigla ko na lang nalamang kumakanta pala si “Gloc 9″ (“Upuan” ang kanyang kanta), isang popular na musikero, sa Ayala Triangle. Natagpuan ko sa mga tagapanood ang ilang kaibigan at gurong makata at manunulat. Bitbit ng ilan ang kanilang mga mag-aaral.

 

 

Huling bahagi na pala ng programa si Gloc 9. “A Walk Through Words at the Gardens” ang pamagat ng event na idinaos para ipagdiwang ang World Poetry Day (March 21). Kasama sa mga nagbasa ng tula sina Krip Yuson, Jimmy Abad, Vim Nadera, Mike Coroza, RJ Ledesma, at Kael Co. Ang poetry reading ay bahagi lamang sa mga proyekto ni Mookie Katigbak-Lacuesta, ang patnugot at isa sa mga organisador ng Metro Serye, isang kalipunan ng panitikang inililimbag tuwing tatlong buwan sa porma ng isang city map. Inilunsad ito noong Oktubre 2011.

 

 

Di lamang tula ang nilalaman ng Metro Serye, pati rin maikling kuwento at iba pang anyo ng panitikan. Isang paraan ang Metro Serye upang buhayin ang pagmamahal sa pagbabasa, na di kailangang sa harap ng iskrin, na maaaring sa papel pa rin kahit na malukot pa at mapunit sa loob ng bulsa.

 

El Bosquejo

 
 

Leave your comment

 Berso sa metro

by Be-Blogger Pilipinas on: Junio 24th, 2011

 

Pauwi akong pagod sa kasisiksik sa Divisoria at Quiapo. Halos mabitawan ang rail sa LRT sa antok, bigla kong napansin ang isang tulang nakapaskil sa loob ng tren: “Oh, Manila, en la corola/de un casto lirio nacida!/gentil princesa dormida/sobre la espuma del mar!” Isinalin sa Filipino: “O, Maynila, sa talulot/ng mahinhing liryo isinilang!/mabunying prinsesang nahihimlay/sa bula ng karagatan.” Isinulat ito ni Pacifico Victoriano.

 

 

Ilang buwan/taon na mula nang nakabasa ako ng tula mula sa proyektong “Berso sa Metro”, dahil di ako madalas sumakay ng LRT. Nakakagulat pa ring makatagpo ng tula sa tren, kahit na makaluma at salin lamang mula sa Espanyol. Ilang tao ang tumitingala talaga upang magbasa? Samantalang karamihan ay yumuyuko upang magtext o mag-update ng kanilang Twitter o Facebook account. Totoo, masarap magbasa ng magasin, pero kung gusto mo talagang makapunta sa lugar na ikaw lamang ang makakapunta, magbukas ka ng aklat.

 

El Bosquejo

 
 

1 comentario